Nang Masilayan Ko ang Bagong Daigdig sa Bohol

Halos takipsilim na noong ang aking mga paa’y dumampi sa isang mataas na bahagi ng lupa at ang aking mga mata’y tila walang kurap na pinagmamasdan ang naggagandahang mga burol na animo’y inihasik ng ating tagapaglikha sa isla ng Bohol. Nang masilayan ko mismo ang Chocolate Hills, ang ngiting namutawi sa aking mga labi ay tila iniukit ng isang tanyag na manlililok dahil wala itong bahid ng pagkukunwari. Ako ay nagmistulang larawan ng isang bata na sa kauna-unahang pagkakataon ay ginawaran ng medalyang ginto. Ang aking saya ay walang sisidlan dahil alam ko na katuparan iyon ng isang pangarap.

Ayon sa alamat, ang Chocolate Hills daw ay nagmula sa luhang pumatak galing sa isang higanteng sawi sa pag-ibig. Kung ito man ay isang katotohanan, ang pighati ng kanyang puso ay nagdulot naman ng kaligayahan sa bawat nilalang na makakakita nito. Sino nga ba ang hindi mamamangha sa kariktan ng libo-libong burol na ito? Marahil s’ya ay isang  bato.

Hindi nagtagal ay kinailangan kong lisanin ang tanawin na bumuo sa isang araw na nagdaan. Sa aking paglalakbay sa panibagong destinasyon kung saan madarama ko ang ibang bersyon ng buhay sa isla, minarapat kong  alalahanin ang mga kaaya-ayang bagay na nangyari sa akin sa kabuuan ng aking paglalakbay, hanggang sa ako’y bigla nanamang napangiti.

Tarsier

Sa nakatutuwang Tarsier na iilang pulgada lamang ang haba, hindi ka ba mapapangiti? Ang namimilog at dilat na dilat nilang mga mata ay nangungusap at mayroong mensaheng hatid na, “tingnan mo ako at ako’y alagaan mo.” Sa haba ng biyahe patungo sa kabilang bayan ako’y natatawa lamang sa aking sarili dahil minsa’y inisip ko na sila’y ibulsa at iuwi. Subalit, batid ko na ang ilayo mga Tarsier sa natural nilang tahanan ay hindi makabubuti para sa kanila.

Bangkilas na naglalayag sa Loboc River

Noong ako’y makarating sa inupahan kong bahay panuluyan at nang lumapat ang aking likod sa malambot na katre, wari kong narinig ang agos ng ilog. Ang kulay luntian na tubig ng ilog ng Loboc o mas kilala bilang Loboc River sa  mga turista ay muling nanumbalik sa isipan kong nais nang mamahinga. Ngunit, ang aking buhay na diwa ay naglakbay sa ikalawang pagkakataon sa masarap na pananghaliang aking natikman noong araw na iyon kasabay ng saliw ng magagandang musika mula sa isang mang aawit. Sinabayan din ito ng indak ng mga katutubo sa kalagitnaan ng paglalayag. Hindi ako nag-iisa sa paglalayag sa Loboc, lulan ng isang malaking bangkilas, kasama ko ang iba pang turista na nagsasaya. Maihahalintulad ko sa piyesta ang kapaligiran noon—matiwasay ang paligid at lahat ng tao’y nagagalak.

Halos dalawang dekada na pala ang lumipas noong ang aking murang isipan ay mamulat sa mga naggagandahang pulo dito sa Pilipinas. Tulad ng isang ordinaryong yagit na namuhay sa daigdig ng pangarap at pantasya, ako ay isa sa mga nag-asam na gawing realidad ang bawat istorya na produkto ng aking kamusmosan at tuklasin ang mga bagay na nasisilayan lamang ng aking mga mata sa libro at sa “black and white” na telebisyon. Hindi man kasing ganda ang kanilang larawan ng mga nakalathala ngayon sa peryodiko, ngunit, para sa akin, ang mga tanawing iyon ay walang kapantay sa kariktan.

Bitbit ko ang pangarap na iyon hanggang pagtanda at hanggang sa ako ay maging hinog upang magpasya sa mga bagay na nais kong tahakin. Supilin man ng panahon, pagkakataon, at balakid sa buhay ang aking pagnanais na maglakbay, nanatiling matatag at matayog ang aking pangarap na marating ang mga isla na unang binigyang buhay ng larawan.

Ako ay tila nasa alapaap pa sa unang pagtapak ng aking paa sa lupang ang sa akin ay banyaga. Marahil ay dala rin ng isang oras na pananatili sa himpapawid na aking naranasan sa kauna-unahang pagkakataon. Ang samyo ng sariwang hangin na nanunuot sa aking kalamnan ay tanda ng isang kaaya-ayang pagbati sa simula ng aking pagtuklas sa panibagong dako. Ako nga ay nasa pulo na ng Visayas.

Butterfly Garden

Hindi ko lubos maisip na ang maliit na isla ng Bohol ay siksik sa yaman. Ang akala ko noong una’y mayroon lamang itong Chocolate Hills at Tarsier, bukod pa rito ang Panglao, subalit, ako pala’y isang mang-mang nang tumambad sa akin ang katotohanang ikasisiya ng bawat tulad ko—isang taong sabik sa yaman ng kalikasan. Ang buong pulo ay puno ng  tanawing hindi lang bubusog sa mata ng bawat tao, ngunit pupukaw rin sa ating puso. Ito ay tila idinisenyo sa bawat bayan upang bigyang buhay ang buong isla. Ilan sa mga tanyag ay ang Hinagdanan Cave, Virgin Island, Balicasag Island, Man Made Forest, mga lumang simbahan tulad ng Baclayon at St. Peter at marami pang iba na naghihintay lamang masilayan ng bawat Pilipino.

Simbahan ng St. Peter o ng Loboc

Kampanaryo (belfry) ng Simbahan ng Loboc

Ilang araw bago ang unang anibersaryo ng aking paglalakbay noong ako’y unang makarating sa Bohol limang buwan na ang nakilipas mula ngayon. Ngunit, ang ala-ala ng bawat dako ay nananatiling sariwa sa aking isipan at tuwing  ito’y aking binabalikan, ako ay bumabalik sa  panahong lahat ng bagay sa aking paligid ay maaliwalas. Hindi ba’t napakasarap balikan ng mga sandaling tayo ay masaya?

Dumarating ang panahon sa  ating buhay na nais natin ng pagbabago at gawin lamang ang mga bagay na makapagpapasaya sa atin. Ang tanging inaasam natin ay mamuhay sa daigdig ng kaligayahan. Ang daigdig na mahirap marating para sa karamihan, ngunit kayang marating ng iilan. Ako ay naglalakad sa kalagitnaan ng Man Made Forest ng Bohol noong aking mabatid na ako’y nasa daigdig ng kaligayahan. Dinig ko ang saliw ng hangin kasabay ang pagaspas ng dahon ng puno at langitngit ng Kamagong. Dama ko ang lamig ng kapaligiran dahil sa pagkakakulong ko sa bisig ng kalikasan. Pawang kulay lutian ang aking nakikita saan mang dako ako tumingin. Ako ba’y nasaan? Ako ay nasa Pilipinas. Dito ko rin pala matatagpuan ang daigdig na hinahanap ng karamihan. Bawat hakbang ko sa Man Made Forest, ako ay nagagalak. Sa anong kadahilanan? Dahil doon ko napagtanto ang kakayahan ng bawat Pilipino.

Man Made Forest

Batid ko na alam ng bawat isa na tayo rin ang dahilan ng unti-unting pagkasira ng ating kalikasan, na ang ugat ay ang kawalan natin ng disiplina. Nang makita ko ang matatarik na puno ng Kamagong, ako’y biglang nabuhayan ng kalooban at napaisip, “kayang kaya naman palang gumawa ng mga Pilipino ng isang obrang makakalikasan tulad nito, bakit kaya hindi tayo gumawa ng maraming Man Made Forest sa Pilipinas.” Alam kong iyon ay posible.

Protesta sa hindi mangangalaga sa kalikasan

Muli ako’y naglakad hanggang sa nilapitan ako ng isang ginang at nagwika, “sir, bili na po kayo ng buko.” Ako’y sumagot, “sige, bibili ako pero kunan mo muna ako habang nagpa-planking.” Yun ang kauna-unahang pagkakataong ginawa ko ang isang bagay na aking kinaiinisan. At ngayon ko lang napagtanto na bawat planking na aking gagawin, kahit na ito pa ay hindi na uso, ay magiging tanda ng aking protesta  sa bawat taong hindi mangangalaga sa ating kalikasan.